Ni: Hannah L. Torregoza at PNA

Nagpahayag ng pagkaalarma si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III kahapon sa mga ulat na posibleng nakompromiso ang mga automated teller machine (ATM) ng Banco de Oro Unibank Inc.

Sinabi ni Pimentel, binanggit niya kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, chair ng Senate banks, financial institutions and currencies, na kailangang imbestigahan ang seguridad at integridad ng sektor ng pagbabangko.

“Yes, I told Chiz the matter of the security and integrity of our banking sector has now become an urgent topic to examine and be transparent about,” ani Pimentel.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ang tinutukoy ni Pimentel ay ang system glitch na unang nangyari sa mga ATM ng Bank of the Philippine Islands (BPI).

Nitong mga nakaraang araw, ilang cardholders naman ng BDO ang nag-ulat na nawalan sila ng pera sa pamamagitan ng skimming, o paggamit ng external device na inilagay sa mga card slot ng ATM.

Bukod dito, sinabi ng lider ng Senado na ang pagkakaaresto kamakailan sa mga banyagang nagta-tamper sa mga ATM “should be sufficient impulse and justification for us to hear and investigate this matter.”

“I am alarmed with the news coupled with reported arrests, recently, of foreigners tampering with our ATMs,” ani Pimentel.

“There is something going on in the banking sector, which is not good,” punto niya.

Tiniyak naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na binabantayan nila ang sitwasyon sa BDO.

Sinabi ni Escudero na handa siyang magsagawa ng imbestigasyon kapag natapos na ng BSP ang kanilang imbestigasyon.

Nagpahayag si BDO President Nestor V. Tan na hindi na bago ang nangyari ngunit hinihiling ng bangko sa mga kliyente na iulat ang anumang pagkawala ng pondo.

“BDO would like to reassure the public that it exerts all efforts to protect its cardholders and their transactions,” ani Tan.