OAKLAND, California (AP) — Hindi pa man napapawi ang ‘hang-over’ sa pagdiriwang ng Bay Area sa ikalawang kampeonato ng Golden State, sadsad na sa paghahanda ang Oakland para sa ‘victory parade’ ng Warriors sa Huwebes (Biyernes sa Manila).

Matapos ang walang humpay na kasiyahan dulot nang matagumpay na 4-1 panalo ng Warriors laban sa Cleveland Cavaliers nitong Martes (Miyerkules sa Manila), puspusan na ang pagsasabit ng mga bandiritas at malalaking banner sa mga gusali at kalsada na dadaanan ng ‘ticker tape parade’ ng 2017 NBA champion.

Tatahakin ng parada ang mga lansangan sa downtown Oakland na naging saksi sa kanilang pagdiriwang noong 2015.

Magsisimula ang parada ganap na 10:00 ng umaga sa Broadway at 11th Street, at tatahak sa mga lansangan patungo sa Henry J. Kaiser Convention Center para sa isang pasasalamat.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Hiniling ng local official sa mga tagahanga at tagasuporta na gumamit na lamang ng public transportation para makaiwas sa trapiko at manatili sa mga kalsada sa mas maagang panahon.

Dumagundong ang Oracle Arena nang makumpleto nina Kevin Durant, Stephen Curry at Warriors ang dominasyon sa Cleveland Cavaliers sa impresibong 129-120 panalo.

Sa San Francisco, marami ang nanatili sa kanilang mga sasakyan at nagwagayway ng bandila ng asul at ginto, habang walang humpay ang pagsasaya sa lahat ng kalsadahan. Wala namang napaulat na kaguluhan o pagaresto sa gitna ng pagsasaya.