LONDON (AP/REUTERS) — Sinabi ng fire commissioner ng London na may mga namatay sa pagsiklab ng malaking sunog sa isang gusali sa katimugan ng lungsod, ngunit hindi pa nila makumpirma ang bilang.
Tinawag ni Commissioner Dany Cotton ang sunog na “unprecedented incident” at sinabing wala pa siyang nakitang ganito kalaking sunog sa kanyang 29-taong karera.
Hindi pa malinaw kung ilang katao ang namatay ngunit sa inisyal na ulat ay mayroon nang 50 dinala sa mga ospital.
Sumiklab ang sunog sa 27-palapag na Grenfell Tower sa North Kensington dakong 1:00 ng madaling araw kahapon at mabilis na kumalat ang apoy.
Ginawang pansamantalang evacuation center ng mga pulis ang St. Clement’s Church malapit sa lugar ng insidente.
Ayon sa London Fire Brigade tinupok ng apoy ang lahat ng palapag mula sa ikalawa hanggang sa tuktok ng Grenfell Tower, kung saan daan-daang katao ang naninirahan sa Lancaster West Estate sa kanluran ng London.
Hindi pa malinaw ang sanhi ng sunog.