ni Marivic Awitan

BAWAT pagkatalo na nararanasan ng kanyang kasalukuyang koponang kinabibilangan, itinuturing ni Alyssa Valdez bilang isang hamon upang mas lalo pang mapaangat ang kanyang laro at kaalaman bilang isang indibidwal.

Halos dalawang taon na mula ng huling makatikim ng kampeonato ang top local hitter ng Creamline sa Premier Volleyball League halos kasunod lamang ng pagtatapos ng kanyang collegiate career sa Ateneo.

Bagama’t hindi nagbabago ang mainit na pagtangkilik sa kanya ng mga volleyball fans, naging malamlam naman ang kanyang career kasabay ng pagiging mailap sa kanya ng titulo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

May nagsasabing ang pagpapalit niya ng team ang isa sa mga dahilan kaya naging matumal para kay Valdez ang team championship na huli nitong nakamit sa noo’y 2015 Shakey ‘s V League Reinforced Conference kung saan sya nagwagi bilang MVP.

Sa kabila ng isa na namang kabiguan na magwagi ng titulo sa kasalukuyang PVL Reinforced Conference, optimistiko si Valdez na may magandang hinaharap ang kanyang career sa Cool Smashers

“It’s a long term commitment with Creamline. I’ve found a family here,” ani Valdez na ipinagmamalaki ang achievement ng kanilang batang koponan na nagawang umabot ng semifinals at ngayo’y lumalaban para sa third place.

“Ending this with an award or medal is different from losing sa game. It’s going to be an inspiration sa amin na maglalaro sa All-Filipino na kaya naman namin kapag magkakasama kami.

“It’s going to be a confidence booster for us and we need that as a new team,” aniya.

Para kay Valdez, nagsisilbi pa ring matinding hamon sa kanya bilang atleta na lalo pang pagbutihin ang kanyang paglalaro at patuloy pang matuto.

“Siguro it’s a sign talaga na ako, as an athlete, kailangan ko pang mag-improve. Marami pa ‘rin akong hindi natutunan,” pahayag ni Valdez.