Pinosasan ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operations Unit (DSOU) at ng Quezon City-Criminal Investigation Detection Group National Capital Region (CIDG-NCR) ang dalawang negosyante na umano’y lumabag sa Republic Act 8293 (Intellectual Property Rights Law), kinumpirma kahapon ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon kay QCPD Director Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar, isinilbi ang search warrant sa Tomon’s RC Store sa St. Andrew Street, Barangay Holy Spirit, isang warehouse sa Congressional Road corner Legislative St., Bgy. Batasan Hills, at isa pang warehouse sa Everlasting St., Bgy. Payatas.

Kinilala ang mga inaresto na sina Myrna Tomon, 54, ng No. 56 St. Andrew St., Bgy. Holy Spirit, at Ronnie Villavicencio, 34, ng No. 43 Congressional Road Bgy. Batasan Hills, ang mga may-ari ng tatlong establisyemento na sinilbihan ng search warrant.

Base sa report, nakatanggap ng tip ang QC-CIDG NCR sa Camp Karingal, sa ilalim ni Police Chief Inspector Nicanor S. Ledesma, tungkol sa ilegal na aktibidad ng mga suspek partikular na sa pagkakasangkot sa pamemeke ng San Miguel Brewery Inc. (SMBI) products.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bandang 8:30 ng umaga nitong Biyernes, isinilbi ng mga operatiba, kasama si SMBI legal counsel Atty. Zosimo Evangelista, ang search warrant na naging sanhi ng pagkakaaresto ng mga suspek.

Nakuha mula sa mga suspek ang nasa 900 case ng hinaluan at pinakialamang Red Horse Beer na kinumpirma ng chemist ng SMBI na “tampered, tampering equipment and paraphernalia.”

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sec. 168 in relation to Section 170 ng RA 8293 o ang Intellectual Property Rights Law. (FRANCIS T. WAKEFIELD)