YANGON (AP) — Natagpuan ng isang barko ng navy at mga mangingisda ang mga bangkay at bahagi ng eroplanong bumulusok sa karagatan ng Myanmar habang pinaghahanap kahapon ang isang military transport plane na lulan ang 120 katao.

Naglaho ang Chinese-made Y-8 turboprop aircraft nitong Miyerkules ng hapon halos isang oras at kalahati matapos umalis mula sa Myeik, kilala rin bilang Mergui, patungong Yangon sa ruta na dadaan sa ibabaw ng Andaman Sea.

Sinabi ng tagapagsalita ng militar na siyam na naval ship, limang army aircraft at tatlong helicopter ang naghahanap sa eroplano kahapon ng umaga.

Ayon kay Gen. Myat Min Oo nakatagpo ang barko at mga mangingisda ng dalawang life jacket, 10 bangkay at isang gulong na bahagi ng pakpak ng eroplano sa kanlurang bahagi ng karagatan sa bayan ng Laung Lone.

Internasyonal

‘Doraemon’ voice actor Nobuyo Oyama, pumanaw na

Sakay ng eroplano ang 106 pasahero — karamihan ay mga pamilya ng mga military personnel — at 14 crew member.

Labinlima sa mga pasahero ay mga bata.

Ayon sa commander ng military na si Senior Gen. Min Aung Hlaing, nawalan ng contact ang eroplano nang ito ay nasa halos 32 kilometro na ang layo sa kanluran ng Dawei, dating kilala bilang Tavoy.

Ang lugar ay 700 kilometro ang layo mula sa hilaga ng huling primary radar contact sa Malaysia Airlines Flight 370, na naglaho habang lumilipad mula Malaysia patungong Beijing noong Marso 8, 2014, sakay ang 239 katao.