DAVAO CITY – Ayon sa Bureau of Public Information ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), mayroon pang 3,023 sibilyan sa Marawi City hanggang nitong Mayo 31.
Samantala, ang ARMM Humanitarian Emergency Action and Response Team ay nakapagtala naman ng kabuuang 218,665 internally displaced persons (IDP) nitong Miyerkules din.
Apektado rin ng labanan ang 92 pampublikong eskuwelahan at 90 pribadong paaralan.
Nitong Miyerkules, naabutan na ng tulong ng regional government ang umaabot sa 134,420 IDP, na nasa bahay lamang o nasa evacuation centers.
Ang Malabang relief operation center, na pinatatakbo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ARMM, ang mamamahala sa koordinasyon ng lahat na resources nakalap ng regional government.
Nakapagtala rin ang pamahalaan ng salaysay ng ilang IDPs.
Ikinuwento ni Aslimah Sampaco, 43, residente ng bayan ng Marantao, kung paano nakatakas sa krisis ang kanyang pamilya.
Naroroon siya sa Iligan City nang magsimula ang labanan ng mga sundalo at terorista. Alam ni Aslimah na hindi na ligtas kung babalik pa siya sa Marantao dahil kailangang dumaan siya sa Marawi City. Pero kinailangan niyang umuwi.
“Noong marinig ko ang balita na ‘yun, kahit alam kong delikado at mahirap pumunta ng Marantao dahil sa mga terorista na ‘yan, hindi ako nagdalawang-isip na bumalik ng Marantao dahil andoon ang asawa’t anak ko. Hindi puwedeng wala ako sa tabi,” sabi ni Aslimah.
Pagkatapos magpakubli-kubli sa aerial bombings at makulong sa loob ng kanilang bahay sa loob ng halos isang linggo, nakatakas na si Aslimah at ang kanyang pamilya mula sa Marantao noong Mayo 27. Kasama na sila ngayon ng 27 lumikas na pamilya na pansamantalang nakatira sa Purakan Elementary School evacuation center sa bayan ng Balabagan, Lanao del Sur. (Yas D. Ocampo)