Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay habang tatlong iba pa ang naaresto sa walang tigil na opensiba ng mga Joint Task Force ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom).

Siyam na matataas na kalibre ng baril din ang nasamsam mula sa mga bandido.

Nabatid na naka-engkuwentro ng mga tauhan ng Philippine Marine Ready Fleet Sulu, sa pangunguna ni Col. Antonio Rosario, Jr., ang mga Abu Sayyaf sa Barangay Sukuban, Omar, Sulu, bandang 5:00 ng umaga nitong Miyerkules.

Tatlong bandido ang napatay sa bakbakan at nakumpiska ang matataas na kalibre ng baril, na kinabibilangan ng apat na M16 rifle, isang M77, isang M14 rifle, at dalawang Garand rifle.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Nitong Martes, naaresto naman ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang tatlo pang miyembro ng ASG at nakumpiskahan pa ng granada sa Zamboanga City.

Nagsilbi ang mga pulis at mga sundalo mula sa 11th Infantry Battalion ng arrest warrant sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention with ransom sa bandidong si Kimhar Asusi, alyas “Abu Kimar”, taga-Parang, Sulu, pagdating nito sa Zamboanga City Port bandang 6:00 ng umaga nitong Martes.

Nakumpiska rin mula sa bag ni Asusi ang isang fragmentation grenade.

Gabi nang araw ding iyon nang madakip naman ang magkapatid na sina Al Hamed Manalas Abdurahman, alyas “Al Amid”, 37; at Murasidol Abdurahman, alyas “Teddung”, 32, kapwa taga-Sulu, sa bisa ng mga search warrant.

Nasamsam mula sa bahay ni Al Hamed sa Bgy. Maasin, Zamboanga City ang limang magazine ng M16, siyam na bala ng M16, at isang M16 bolt assembly.

Nakuha naman ng militar mula kay Murasidol ang isang granada, tatlong blasting cap, at isang maliit na bote ng hinihinalang C4 explosive substance.

Samantala, simula Enero 1 ngayong taon ay nasa 180 Abu Sayyaf na ang na-neutralize, 72 sa mga ito ay napatay, 44 ang naaresto at 64 ang sumuko. (FRANCIS WAKEFIELD at FER TABOY)