Kinumpirma ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na ipinag-utos ng gobyerno ang pagdakip sa mahigit 100 hinihinalang miyembro ng Maute Group at Abu Sayyaf nasaan man sila sa bansa.

Miyerkules ng gabi nang sabihin ni Aguirre na nagpalabas si Defense Secretary Delfin Lorenzana, itinalaga ni Pangulong Duterte bilang Martial Law Administrator, ng Arrest Order No. 01 na may petsang Mayo 29.

Naka-address sa mga pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI), iniaatas ng order ang pag-aresto sa 138 katao, alinsunod sa Proclamation No. 216 ng Presidente na nagdedeklara ng batas militar sa Mindanao nitong Mayo 23.

“Ang declaration ng martial law is only on the island of Mindanao. But ang epekto po nito, halimbawa ‘yung order of arrest, pwede mo ipatupad ito o i-implement ito kahit saan ka naroroon, although wala ka na, labas ka na sa Mindanao,” paliwanag ni Aguirre.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Kahit sila ay tumakas, umalis na sila sa Mindanao at sila ay nakita sa ano mang parte sa Pilipinas whether sa Mindanao, Luzon, at Visayas pwede po silang arestuhin sapagkat nagkasala na sila,” dagdag pa niya.

Kaagad namang nagpalabas ang DoJ ng immigration lookout bulletin order laban sa mga ipinaaarestong indibiduwal upang matiyak na hindi makalalabas sa bansa ang mga ito.

Kasabay nito, sinabi ni Aguirre na pinag-aaralan na rin niya na magpalabas ng hiwalay na Detention Order para kaagad na maikulong ang mga maaarestong terorista. (Jeffrey Damicog at Beth Camia)