TARGET ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kabuuang 300 kabataan at sports enthusiast na makikiisa sa community program KID-S.O.S (Kabataan Iwas Droga-Start on Sports) na magsisimula sa Hunyo 4 sa Bacoor, Cavite.

Ayon kay PSC commissioner at project director Arnold Agustin, naging maayos ang koordinasyon sa pagitan ng ahensiya at ng City government ng Bacoor, sa pamumuno ni Mayor Lani Mercado-Revilla, para maisakatuparan ang programa na naglalayon na mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na sumabak sa sports at mailayo sa iba’t ibang bisyo.

“Klaro ang direktiba sa amin ng Pangulong Duterte na palakasin ang sports sa grassroots level para mapataas ang kalidad ng talento at makaiwas ang mga kabataan sa lahat ng vices, higit sa droga,” pahayag ni Agustin, resident eng naturang lungsod.

“As starter, napili natin ang Bacoor, but our sports coordinator are closely coordinating with other Local Government Units in Cavite for sports partnership,” sambit ni Agustin.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“The PSC believes that sports are vital tool in leading our youth away from vices. It is among our thrust to conduct various program that will engage the Filipino youth in sports activities,” aniya.

Nakapaloob sa programa ng KID-S.O.S ang badminton, table tennis at chess para sa Sangguniang Kabataan, habang ang zumba at pencat silat clinics at seminars ay para sa mga barangay official at tanod, gayundin sa mga seniors, mga magulang at sports enthusiats.

Batay sa partnership, ang PSC ang bahala sa technical personnel, coaches at administrative staff, gayundin sa sports supply at equipment, habang ang city administrator ang mamamahala sa coordination ng mga kalahok at sa gagamiting venues.

Gaganapin ang programa tuwing Sabado at Linggo sa buong buwan ng Hunyo.