Ni NORA CALDERON

ILANG beses naging emosyonal si Alden Richards nang magpasalamat sa lahat ng bumuo at sumuporta ng kanyang first major solo sold-out concert sa Kia Theater nitong nakaraang Sabado.

MAINE AT ALDEN
MAINE AT ALDEN
Hindi na namin nabilang sa rami kung ilan ang kinanta at production numbers ni Alden kasama ang special guests niyang sina Jerald Napoles, Mark Herras, Kristoffer Martin at ang pagra-rap niya kasama si Raymund Marasigan.

Special guest din si Janno Gibbs na malaki raw ang utang na loob niya, kapwa niya GMA Records artist si Janno.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Pinasalamatan ni Alden lahat ng mga tumulong sa kanya sa simula pa lamang sa pagpasok niya sa showbiz, na nagbigay ng assurance sa kanya na kaya niyang pasukin ang larangang ito, ang kanyang pamilya na medyo ikinaiyak din niya dahil present man ang kanyang ama, Lola Linda, Lolo Danny at mga kapatid na sina Risa at Angel, wala ang kuya RD niya na naka-base na ngayon sa San Francisco, USA.

Hindi siyempre niya kinalimutang magpasalamat sa GMA Network at sa GMA Records na naniwalang kaya niyang kumanta kahit hindi naman siya talaga singer at performer, at para mag-concert. 

Siyempre, sa Eat Bulaga na pumayag na makasama siya ng Dabarkads, kay Mr.Antonio Tuviera ng TAPE at APT Entertainment. 

“Tatay Tony, salamat po na tinanggap din ninyo ako sa inyong pamilya,” sabi ni Alden.

“Pero ang mommy ko, si Rosario Reyes Faulkerson ang siya talagang nagtulak sa akin para pasukin ang showbiz. Gusto niya noon na makasama ako sa Marimar, pero hindi naman natuloy,” kuwento pa ni Alden. “Sa mga ganitong pagkakataon, nanghihinayang ako na wala na si Mommy, nine years na, hindi na niya nakita ang nangyari sa akin. Pero alam ko, narito lang siya, hindi niya ako iniiwan, kaya ang concert pong ito ay iniaalay ko sa kanya. 

“‘Ma, alam kong nandiyan ka lang, para sa iyo ito. Maraming salamat. Kaya ang favorite song kong Your Guardian Angel ay dedicated ko rin sa mommy ko, ang guardian angel ko.”

Pinasalamatan din ni Alden si Maine Mendoza, ang pagkikilala nila sa Eat Bulaga noong 2015.  

“Si Maine ang nagpabago ng buhay ko simula noon hanggang sa ngayon.” 

Kahilera si Maine ng Faulkerson family na nanood ng concert, bago siya tinawag as Alden’s very special guest.

Napakalakas ng tilian ng audience hindi pa man tinatawag si Maine dahil nakita siyang nasa front row ng Kia Theatre. 

May dance number sila na parang walking in the rain. Pero lalong lumakas ang hiyawan ng audience nang kantahin nila ang paborito nilang song ng Coldplay, ang Yellow. 

Kahit may ini-expect pa ang audience sa dalawa, sapat na raw sa kanila na makita nilang magkasama ang kanilang mga mahal na sinusuportahan pa rin nila ng todo.

Hindi rin nakalimutang isali sa repertoire ng concert ang Wish I May na title ng album na nagbigay sa kanya ng Diamond Record award (10 platinum records) at siyempre, ang paborito ng AlDub Nation na laging nagpaiyak kay Alden tuwing kinakanta niya, ang God Gave Me You. Sinabayan ng audience si Alden sa pagkanta nito.

Ilang danceable songs pa ang kinanta ni Alden, kaya nagtayuan na at nakisayaw kay Alden ang audience, bago siya tuluyang nag-bow ng pasasalamat sa lahat ng dumalo.