ANG buhay nga naman…sa isang iglap, maaaring mawala.
Ito ang aking naramdaman nang ako’y masangkot sa isang malagim na aksidente sa kahabaan ng Tagaytay-Silang national highway sa Cavite nitong Linggo.
Pauwi na kami kasama ang pitong motorcycle rider matapos ang isang salu-salo sa Crosswinds, Tagaytay, nang mangyari ang trahedya.
Tandang-tanda ko pa ang masarap na daing na bangus na may dalawang piniritong itlog na aking almusal. Masarap din ang kuwentuhan kasama ang mga rider ng Yamaha Big Bike Club.
Kilalang istambayan ng mga rider ang lugar, kaya marami pa kaming nakatagpo na mga motorcycle enthusiast na dumayo pa mula sa Metro Manila.
Wala akong pangitain na may magaganap palang aksidente.
Habang kami ay naka-convoy sa Tagaytay-Silang road, bigla na lang...boom!
Isang Honda Civic ang biglang nag-U turn at nasalpok ang aking motorsiklo.
Sa lakas ng pagkakasalpok, lumipad ako sa ere bago tumama ang ulo ko sa salamin ng kotse. Mabuti na lang at may suot akong helmet.
Sa aking pagbagsak sa kalsada, isang puti’t napakaliwanag na ilaw ang aking nakita.
Ilang segundo bago ako nakagalaw nang dahan-dahan, kinakapa ang bawat bahagi ng katawan kung may bali ng buto o may malalim na sugat.
Unti-unti kong pinakiramdaman ang aking mga daliri sa paa, binti, braso at kamay. Salamat sa Diyos at wala akong nakitang pilipit sa ano mang bahagi ng aking katawan.
Sa kabila nito, hindi ako makabangon dahil ramdam ko na ang sakit sa likurang bahagi ng aking katawan, sa balakang at sa magkabilang sakong.
Dulot ito ng matinding pagkakatilapon ko mula sa motorsiklo. Nakagagalaw ako subalit bahagya lamang.
Nang marinig ko ang boses ng aking mga kasamahan, medyo nabuhayan ako ng loob.
Habang nakabulagta sa mainit na aspalto, nasisilayan ko ang mga sasakyan na bumagal ang takbo dahil sa mga piyesa ng motorsiklo ko na nagkalat sa kalsada.
Matapos ang ilang minuto, dumating ang ambulansiya ng isang barangay sa Silang at isinugod ako sa Medical City sa Paseo de Santa Rosa sa Laguna.
Sumailalim ako sa masusing pagsusuri ng mga doktor. At sa pamamagitan ng X-ray, natiyak nilang wala akong matinding bali sa katawan, kundi bugbog lamang sa kalamnan dahil sa pagsirko ko mula sa motorsiklo at pagbagsak sa lupa.
Agad na dumating sa ospital ang aking pamilya, mga kaibigan at mga kasamang rider na binantayan ako hanggang makumpirma na ligtas na ako sa kapahamakan.
Nagpapasalamat din ako kay PO3 Arjell Guevarra na agad na rumesponde sa insidente.
Ganito pala ang pakiramdam ng isang naaksidente.
Salamat sa Panginoon at ako’y pinagkalooban pa rin niya ng itinuturing ko ngayong pangalawang buhay. (ARIS R. ILAGAN)