DAVAO CITY – Isang umaga ay nagising na lamang ang mga tao rito na nasa ilalim na ng batas militar ang buong Mindanao, kasabay ng pagdedeklara nito ng Malacañang nitong Martes ng gabi.

Sa unang bahagi ng buwan, sa Davao City, sinabi ng Pangulo sa mga leader sa Mindanao na mapipilitan siyang isailalim sa martial law ang buong rehiyon kung hindi makokontrol ng government leaders ang mga insidente ng rebelyon at terorismo sa kanilang nasasakupan.

Sa hometown ng Pangulo sa Davao City, nasa maayos ang lahat.

Nasanay na ang mga tao rito sa presensiya ng militar simula nang mangyari ang pagsabog sa Night Market noong Setyembre 2016.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Gayunman, ‘tila nagbago ang ihip ng hangin kahapon, na hindi na nila alam kung ano ang susunod na mangyayari.

Walang nagra-rally sa umaga, habang nang nagbigay ng pahayag sa weekly AFP/PNP Press Corps forum ay sinabi ng awtoridad na hinihintay pa nila ang mas malinaw na guidelines sa pagpapatupad ng martial law.

Ngunit bago ilabas ng Malacañang ang mga guidelines, naglabas ang City Mayor’s Office ng 30 reminders para sa mga residente.

Sa unang isang oras, ipinag-utos ni Mayor Sara Duterte-Carpio na isara ang lungsod, walang makapapasok at makalalabas sa main entry points nang hindi sumasailalim sa inspeksiyon.

Habang sinisiguro na naaayon sa konstitusyon ang ipinatutupad na batas dito, hiniling ng alkalde sa kanyang mga nasasakupan na maging laging alerto.

Sinabihan din ng alkalde ang mga residente na maging maingat sa pagpaplano ng mga aktibidad.

Iniiwasan ang pagbiyahe palabas at papuntang Davao City, maliban na lamang kung labis na kinakailangan.

Ayon kay Carpio, maaaring manalangin ang mga Muslim sa kanilang mosque, lalo na sa pagdiriwang ng Ramadan sa mga susunod na araw, ngunit iminungkahi na gawin ang pananalangin sa loob ng kanilang tahanan o mosque.

Hinikayat din ang mga Dabawenyo na i-adopt ang buddy system, lalo na ang mga nagtatrabaho sa gabi.

Ipinagbabawal din ang pagbibiyahe ng motorcycle convoy. (Yas D. Ocampo)