Aminado si World Boxing Council (WBC) and World Boxing Organization (WBO) junior welterweight titlist Terence Crawford ng United States na ang pinakamalaking laban na pinakaaasam niya ay ang hamunin si WBO welterweight champion Manny Pacquiao ng Pilipinas.

Ngunit batid ni Crawford na kailangang hintayin muna niya ang resulta ng depensa ni Pacquiao kay WBO at IBF No. 2 contender Jeff Horn sa Hulyo 2 sa Brisbane, Australia bago hilingin sa kanilang promoter na si Top Rank big boss Bob Arum ang pinakamalaking laban sa nag-iisang eight-division world champion sa kasaysayan ng boksing.

Pinatigil nitong Linggo ni Crawford sa 10th round si Felix Diaz Jr. ng Dominican Republic sa pormang kaliwete at kaagad hinamon si Pacquiao matapos ang kanyang tagumpay.

“I do what I want in there. It’s my ring,” sabi ni Crawford sa boxingscene.com hinggil sa kanyang pag-switch sa pagiging kaliwete. “That’s what I wanted to do.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“It’s a fight. You can’t be nice in there. You’ve got to be mean in there,” dagdag ni Crawford sa pagpapahiya sa Beijing Olympics gold medalist na hindi na tumayo para sa 11th round.

Ngunit nanindigan si Crawford na tanging ang paghamon kay Pacquiao ang kailangan niyang laban para sa lubos na katanyagan.

“Pacquiao. That’s the only fight out there we’re really looking for,” diin ni Crawford. “If not that, (Julius) Indongo. He came to my fight. I’m ready to go with anybody.”

Kaliwete rin ang tubong Namibia na si Indongo na may perpektong rekord na 22 panalo, 11 sa knockouts at may hawak ng International Boxing Federation (IBF), International Boxing Organization (IBO) at World Boxing Association (WBA) super lightweight crowns.

Kung matatalo ni Crawford si Indongo, siya ang magiging indisputed light welterweight champion at magiging pound-for-pound No. 1 boxer ng Ring Magazine.