Binuksan ng China at Pilipinas ang kanilang unang Bilateral Consultation Mechanism sa isyu ng teritoryo kahapon.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Hua Chunying, inaasahang magkakaroon ng "friendly exchanges” ang magkabilang panig sa pagpulong kaugnay sa mga isyu sa South China Sea (West Philippine Sea) at maayos na mapamahalaan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng mga pag-uusap upang makalikha ng mga paborableng kondisyon para maresolba mga gusot at matiyak ang “good atmosphere for the sound and steady development of bilateral ties and the smooth progress of practical cooperation in various fields."
Sa mga pag-uusap, inaasahang maninindigan ang Beijing sa inaangkin nitong soberanya sa halos buong South China Sea sa kabila ng desisyon ng isang international tribunal na walang batayan ang mga pag-aangkin nito.
Sinabi naman ng Pilipinas na pansamantala ay hindi nito babanggitin ang panalo sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague at pagtutuunan muna ng pansin ang pagpapabuti sa tiwala at kumpiyansa sa isa’t isa.
Si Philippine Ambassador to China Jose Santa Romana ang namumuno sa delegasyon ng Manila, habang ang panig ng China ay pinamumunuan ni Vice Foreign Minister Liu Zhenmin. (Roy Mabasa)