Sabay-sabay inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang 12 puganteng South Korean na wanted sa kanilang bansa dahil sa umano’y pagpapatakbo ng online business scam.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga dayuhan na sina Noh Heamin, Park Jeongho, Kim Sun Jang, Lee Hyanglim, Yoon Daseul, Kim Sunghoon, Jeong Miseon, Park Mingyu, Park Youngju, Park Hyunmyeung, Park Chanju at Lee Hyunho na pawang inaresto sa Gramercy Residences, Century City, Poblacion, Makati City.
Ayon kay Morente, nag-isyu siya ng mission order upang magsagawa ng operasyon laban sa mga suspek matapos nila itong subaybayan nang makatanggap ng mga tip mula sa mga impormante.
Idinagdag ni Morente na mismong South Korean embassy sa Maynila ang nagpaalam tungkol sa presensiya ng mga pugante sa bansa at humingi ng tulong sa BI upang maipatapon ang mga suspek sa kanilang bansa.
“Their embassy has confirmed that all 12 of them are subjects of arrest warrants issued by various Korean courts where they have been charged with large-scale fraud,” ani Morente.
“They are now undergoing deportation proceedings as they have been charged with undesirability for being fugitives from justice and posing risk to public safety and security,” dagdag pa ng opisyal. (MINA NAVARRO)