DAHIL sa kakapusan ng sapat na information drive, kabilang ako sa mga nagulantang sa biglang pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Law (ADDL). Itinatadhana nito ang mahigpit na pagbabawal sa mga tsuper na gumamit ng cell phone habang nagmamaneho sa mga lansangan. Libu-libong piso ang multa at may kaakibat na kanselasyon ng lisensiya ng mga tsuper ang parusa sa mga lalabag sa naturang batas.

Masyadong malawak ang sakop ng ADDL. Isipin na lamang na pinagtutuunan nito ang mga tsuper at mga kutsero ng halos lahat ng uri ng sasakyan; bukod sa mga kotse, bus at mga truck, kabilang din dito ang mga bulldozer, pison at maging ang mga kalesa, bisikleta at habal-habal na ginagamit ng mga magbubukid.

Nakalilito ang mga detalye at tagubilin hinggil sa mahigpit na paggamit ng mga tsuper ng kanilang mga cell phone.

Upang makatiyak ng wastong pagtalima sa nabanggit na batas, dapat na lamang iwasan ng mga tsuper ang paggamit ng naturang gadget habang sila ay nagmamaneho.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa kabila ng masalimuot na implementasyon ng ADDL, naniniwala ako na makabuluhan ang pagbabawal sa paggamit ng cell phone; hindi lamang matitiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero kundi sila mismo ay makaiiwas sa panganib.

Marami nang pagkakataon na ang walang pakundangang paggamit ng mga tsuper ng kanilang cell phone ang nagiging dahal ng malalagim na aksidente sa mga lansangan. Bukod pa, siyempre, sa paggamit naman ng ilang driver ng illegal drugs.

Halos kasabay ng implementasyon ng ADDL, nagkabisa na rin ang batas hinggil naman sa pagbabawal sa pag-aangkas ng mga bata sa mga motorsiklo. Isa rin itong makatuturang batas para sa kaligtasan ng ating mga anak at apo.

Sa bahaging ito, nais kong itanong sa pamunuan ng mga ahensiyang may kinalaman sa implementasyon ng mga batas sa trapiko: Maipatutupad kaya ang naturang mga batas? Hindi kaya maituald ang mga ito sa katakut-takot na mga batas-trapiko na hindi lubos na naipatutupad ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), lalo na ng... Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)?

Ang batas hinggil sa Helmet Law, halimbawa, ay tandisang nilalabag ng mga motorista, lalo na ng ilang alagad ng batas na sila pa namang naatasang ipatupad ang naturang batas. Pati ang Seatbelt Law at iba pa ay patuloy na ipinagwawalang-bahala ng kinauukulang mga motorista sa pagpapabaya ng mga traffic at law enforcer.

Dahil dito, nananatili ang aking pangamba na ang ADDL – at ang iba pang traffic law – ay nagpapalawak lamang sa pangongotong ng ilang mandarambong sa lansangan; mga salot ito na kumukulapol sa matitino at huwarang mga alagad ng batas. (Celo Lagmay)