DINOMINA ng season host University of Santo Tomas ang perennial rival La Salle upang muling mapanalunan ang seniors general championship sa pagtatapos ng UAAP Season 79.

Nagwagi ang Growling Tigers kontra Green Archers matapos lamangan ng 39 na puntos sa 29 na events upang makamit ang kanilang record na 41st overall crown.

Bagama’t nagtapos na kulelat sa men’s basketball, nakabawi ang UST nang magwagi ng pitong event bukod pa sa siyam na second place at tatlong 3rd place finishes upang tanghaling may pinakamatagumpay na sports program.

Kabilang ang women’s at men’s beach volleyball, men’s taekwondo, men’s and women’s judo, men’s table tennis at women’s athletics, nagtapos ding runner-up ang Tigers sa baseball, softball, women’s football, poomsae, women’s taekwondo, women’s table tennis, men’s at women’s lawn tennis at men’s fencing,bukod pa sa third place nila sa women’s volleyball, women’s fencing at men’s athletics para makalikom ng 310 puntos.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Nagwagi naman sa mga tanyag na sports events na men’s basketball, women’s volleyball at women’s football gayundin sa poomsae at women’s table tennis, hindi nagawang sabayan ng La Salle ang pagratsada ng UST sa second semester.

Nagtala rin ang Archers ng runner-up finishes sa women’s basketball, men’s swimming, men’s table tennis, women’s chess at men’s athletics, at third naman sa women’s beach volleyball, baseball, women’s badminton, men’s judo, women’s swimming at men’s lawn tennis upang makaipon ng 271 puntos.

Tumapos naman ang Ateneo na pangatlo kasunod ng tagumpay nila sa men’s volleyball, men’s football, baseball at men’s swimming, upang makalikom ng kabuuang 233 puntos.

Pang-apat ang University of the Philippines na nagkampeon sa women’s badminton at women’s swimming matapos makatipon ng 214 puntos. (Marivic Awitan)