Dalawang drug suspect ang napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa isang operasyon sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Napatay ng mga tauhan ng Batasan Police Station (PS-6) sina Bernabe Sabangan, 24, at Arnold Vitales, 21, sa buy-bust operation sa Tagumpay Village, Barangay Bagong Silangan, dakong 11:00 ng gabi kamakalawa.

Ayon sa awtoridad, sina Sabangan at Vitales, na kilala sa alyas na “Nonong” at “Anot” ayon sa pagkakasunod, ay kabilang sa drugs watch list ng PS-6 at minsan nang sumuko sa Oplan Tokhang.

Base sa report, nakatanggap ng tip ang pulisya na ipinagpatuloy ng dalawa ang ilegal na gawain.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Isinagawa ang transaksiyon sa bahay ni Sabangan sa Block 4, Lot 16, Tagumpay Village, kung saan bumili ang isang poseur-buyer ng P500 halaga ng shabu.

Gayunman, nakatunog umano ang dalawa na peke ang transaksiyon at bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Napilitan umano ang mga pulis na pagbabarilin ang mga suspek na naging sanhi ng pagkamatay ng mga ito.

Nakuha kina Sabangan at Vitales ang tatlong pakete ng umano’y shabu, isang caliber 38, at isang improvised shotgun na may anim na bala. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)