Tulad noong kapitan pa siya ng Marines, sinabi ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano kahapon na ikaliligaya niyang harapin ang posibilidad ng perjury charges dahil sa sinasabing kakulangan ng kanyang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“I’m aware of the consequences. Kung gawin po nila, gawin po nila. ‘Nirerespeto ko, kanila naman po ‘yan (na desisyon),” sabi ni Alejano sa mga reporter nang makapanayam siya hinggil sa pagdinig ng House Justice Committee sa kanyang complaint kahapon.

Napag-alaman sa pagdinig — lalo na habang ginigisa siya ni Majority Floor Leader at kakampi ni Duterte na si Ilocos Norte 1st District Rep. Rodolfo Fariñas — na maaaring kasuhan ng perjury si Alejano dahil sa kawalan ng authenticated documents ng kanyang complaint.

“In fact delikado ka sa perjury dito. ‘Asan ang authenticated documents? Ni isa wala,” sabi ng iritadong si Fariñas, ang chairman ng makapangyarihang Rules Committee at dating bar topnotcher.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Naramdaman ni Alejano simula pa man na ang estratehiya ng House Justice Committee ay maliitin siya, dahil hindi siya abogado.

“Yes (‘yun ang strategy nila),” sabi ni Alejano sa mga reporter. “Alam na ho natin, naka-witness na tayo na hindi ho tayo abogado, at i-discredit ‘yung aking person.”

Inilarawan ni Fariñas ang complaint ni Alejano na ibinatay lamang sa “quadruple hearsay.”

Nang tanungin kung inaasahan niya ang ganoong trato, ang sagot ni Alejano, “OK lang. Like I said it’s not about me.

As much as I want to react I know the system. What’s important is sticking to the issue.”

Si Alejano, miyembro ng self-styled opposition bloc na tinataguriang “Magnificent Seven,” ay nagpahayag din na hindi siya natatakot sa posibilidad ng ethics complaint ng kanyang mga kasamahan.

Pinuna niya na ang pro-Duterte Supermajority ang kumokontrol sa Ethics panel.

“Kontrolado nila ‘yung Ethics Committee. Sisipain nila ako, nasa kanila po ‘yan. Just like ‘yung ginagawa ngayon sa mga kalaban ng estado,” aniya.

“Hindi ako nandito para magpalamig sa opisina ko’ng aircon. Hindi ako nandito para maglaro lamang, kahit itataya ko ‘yung position o bilang representative ng Magdalo Party-list it doesn’t matter, because ang alam ko tama ‘yung tinatayuan natin.”

Marso 16 nang nagsampa si Alejano sa Kamara ng 16 na pahinang complaint na naghahangad mapatalsik si Duterte sa limang grounds: culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, bribery, graft at high crimes.

(Ellson A. Quismorio)