ANG beteranong Irish rock band na U2 ang top-selling live music act sa United States ng summer 2017, inihayag ng ticket seller na StubHub nitong Linggo. Tinalo ng banda ang pop acts kinabibilangan nina Ed Sheeran at Lady Gaga sa kanilang concert tour na gumugunita sa Joshua Tree album.

Nanguna ang 13-stop The Joshua Tree Tour 2017 ng U2 sa listahan ng pinakasikat na live music acts sa United States simula Memorial Day (Mayo 29) hanggang Labor Day (Setyembre 4). Pumapangalawa ang U.S. leg ng Divide tour ng British singer na si Sheeran sa 32 shows ngayong summer.

Hindi tulad ng karamihang artists na lumilibot para i-promote ang bagong album, ipinagdiriwang ng konsiyerto ng U2 ang 30th anniversary ng paglabas ng The Joshua Tree album noong 1987.

Sisimulan ng U2 ang U.S. tour ng Joshua Tree sa Linggo, sa 68,000-capacity CenturyLink Field ng Seattle, at magtatanghal sa buong bansa kabilang na sa California, Texas at Florida at saka tutulak papuntang Europe.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Ang tour ni Sheeran ay idadaos sa mga venue na may average capacity na 20,000 at ang mga venue naman ng U2 ay mula 65,000 seats pataas.

Sinabi ng StubHub, hindi inilabas ang bilang ng mga naibentang tiket, na mas mataas ng 65 porsiyento ang naibentang tickets ng U2 kaysa kay Sheeran at nalagpasan din ng 15 porsiyento ng banda ang top summer act noong 2016 ng British singer na si Adele.

Ang top-10 acts ngayong summer sa listahan ng StubHub ay pinaghalong veteran artists at kasalukuyang pop at hip-hop acts, kasama sina Tom Petty at The Heartbreakers, Metallica, Tool at Roger Waters katapat nina Bruno Mars, Lady Gaga, Kendrick Lamar at Justin Bieber. (Reuters)