Magsisimula na ngayong Lunes ang anim na araw na 2017 Brigada Eskuwela ng Department of Education (DepEd).

Kasabay nito, iniulat ng DepEd na patuloy na dumarami ang suportang natatanggap ng kagawaran para sa taunang aktibidad.

“Noong 2003, hindi pa mandatory para sa ating paaralan ang pagsali sa Brigada. Only around 30% of our schools participated that time. But in 2007, it increased to 100% school voluntary participation,” sabi ni Education Assistant Secretary Tonisito Umali.

Ikinatutuwa ng opisyal na kahit hindi mandatory ay dumarami ang school participation sa programa kaya nagpasya ang DepEd na mag-isyu ng Department Order noong 2008, na humihikayat sa lahat ng paaralan ng kagawaran na lumahok sa Brigada Eskuwela.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Iniulat pa niya na mula sa P1,519,575,657.13 na suportang pinansiyal noong 2012, tumaas pa ito sa P7,263,949,535.83 noong 2016.

MAKABAGONG BAYANIHAN

Para naman sa principal ng San Vicente National High School (SVNHS) sa Lubao, Pampanga na si Estrellita N. Baluyut, ang pagkakaisa ng mga pamayanan sa Brigada Eskuwela ay tunay na simbolo ng makabagong bayanihan.

“Sense of belonging truly lies in extending our hand and putting our heart in it. Brigada Eskuwela is the modern Bayanihan where people in the community work together to achieve a common goal,” ani Baluyut.

Inaanyayahan ni Baluyut ang tagakomunidad na makiisa upang maihanda ang mga silid-aralan sa pagbabalik-eskuwela sa Hunyo 5.

Bukas din, aniya, ang kanilang paaralan para sa tulong mula sa pribadong sektor na nais makibahagi sa pagkukumpuni at pagmamantine ng mga paaralan.

Sinabi ni Baluyut na nangangailangan ang SVNHS ng nasa 2,000 magtutulung-tulong upang linisin ang eskuwelahan, kabilang na ang paglilinis sa mga alulod, pag-aayos ng linya ng tubig, pagpipintura sa mga silid, pagkukumpuni sa mga baradong banyo, at iba pa. (Mary Ann Santiago at Jel Santos )