LONDON (AFP) - Tinutugis ng international investigators ang mga nasa likod ng napakalaking cyber-attack na nakaapekto sa sistema ng maraming bansa, kabilang ang mga bangko, ospital at ahensiya ng pamahalaan, habang sinisikap ng mga security expert na makontrol ang masamang epekto nito.

Tinarget ng pag-atake, nagsimula noong Biyernes (Sabado sa Manila) at inilarawang pinakamalaking cyber ransom attack, ang mga ahensiya ng pamahalaan at malalaking kumpanya sa buong mundo – mula sa mga bangko sa Russia at mga ospital sa Britain hanggang sa FedEx at mga pabrika ng sasakyan sa Europe.

“The recent attack is at an unprecedented level and will require a complex international investigation to identify the culprits,” sinabi ng Europol, ang police agency ng Europe.

Nagtalaga ang Europol ng isang special task force sa European Cybercrime Centre nito para tumulong sa mga imbestigasyon.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Gumamit ang mga pag-atake ng ransomware na sinamantala ang kahinaan sa seguridad ng operating systems ng Microsoft, ikinakandado ang files ng mga user hanggang magbayad sila sa attackers ng hinihinging halaga sa virtual currency na Bitcoin.

Ngunit nagbabala ang mga eksperto at gobyerno na huwag magpatalo sa hiling ng mga hacker.

“Paying the ransom does not guarantee the encrypted files will be released,” sinabi ng computer emergency response team ng US Department of Homeland Security.

“It only guarantees that the malicious actors receive the victim’s money, and in some cases, their banking information.”

Sinabi ni Mikko Hypponen, chief research officer sa Helsinki-based cyber security company na F-Secure, na ito ang pinakamalaking ransomware outbreak sa kasaysayan, at apektado ang 130,000 sistema sa mahigit 100 bansa.

Pinakamatinding tinamaan ang Russia at India, na karaniwang gumagamit ng Windows XP ng Microsoft.

Sinabi ng US software firm na Symantec na karamihan ng mga naapektuhang organisasyon ay nasa Europe.