Dinampot ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Cyber Crime Group (PNP-ACG) ang lalaking sangkot umano sa credit card fraud.

Kinilala ni Supt. Jay Guillermo, ng PNP-ACG, ang suspek na si Stephen Francis Lucena, 38, ng Tomas Mapua Street, Sta. Cruz, Maynila.

Nakatakas naman ang kanyang kasabwat na kinilalang si Nathalia Tripon, alyas Liah, nasa hustong gulang.

Ayon kay Guillermo, gumamit si Lucena ng nakaw na credit card, nakapangalan kay Crispin Rumbawa, upang makabili ng cell phone na nagkakahalaga ng P40,000, sa isang mall sa Mandaluyong nitong Huwebes ng hapon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Tapos na umano ang transaksiyon ngunit tumawag ang bangko sa pinagbilhan ng cell phone ng suspek upang huwag paalisin si Lucena.

Napag-alaman na umabot sa P300,000 ang ginastos ni Lucena gamit ang nasabing credit card.

Depensa ni Lucena, napulot niya ang credit card sa Tondo at sinubukang gamitin dahil wala siyang trabaho.

Kasong paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Regulation Act of 1998 ang kakaharapin ng suspek. (Fer Taboy)