Inihayag kahapon ni 6th Infantry Division chief Major Gen. Arniel Dela Vega na kinukupkop ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang anim na teroristang Indonesian na nagtatago sa mga bayan ng Salvu, Pagatin, Mamasapano, at Shariff Aguak—tinaguriang “SPMS Box”—sa Maguindanao.

Ito ay kasabay ng pagkumpirma ni Capt. G. Encinas, hepe ng Public Affairs Office ng 6th Infantry Division ng Army na umabot na sa 31 miyembro ng BIFF ang napatay sa serye ng aeriel at artillery attacks ng militar sa Maguindanao simula nitong Sabado hanggang kahapon.

Ayon sa report, protektado umano nina Shiek Esmail Abubakar, alyas “Kumander Bungos”; Shiek Abdul Malik, alyas “Kumander Abu Turaifie”, ng BIFF; at Sahalludin Hassan, alyas “Kumander Orak” ang anim na teroristang Indonesia na pawang kasapi ng Jemaah Islamiyah (JI).

Apat na iba pang BIFF members ang nasugatan kahapon, ayon kay Encinas.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Gayunman, pinabulaanan ito ni Abu Misry Mama, ang tagapagsalita ng BIFF, at sinabing isa lamang sa mga miyembro nila ang nasawi sa labanan.

Pinasinungalingan din ni Misry ang sinabi ni Dela Vega na kinakanlong ng BIFF ang mga teroristang konektado sa JI at sa Islamic State (IS). (FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD)