Asahan nang madadagdagan ang mga pangalan na makakasuhan sa pagsisimula ng Department of Justice (DoJ) sa pagrerepaso sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o “pork barrel” scam.

“Next week, or soon, yung pag-open ng PDAF,” sabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kahapon sa Kapihan sa Manila Bay.

Ipinaliwanag niya na kailangan ang review dahil maraming opisyal ng gobyerno ang hindi naisama sa indictment nang simulan ang paghahain ng mga kaso sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

“Talagang nagkaroon dito ng miscarriage of justice. Dapat noon pa nakasuhan ang mga iyan,” ani Aguirre.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ng DOJ chief na maaaring sakupin ng review ang mga dating opisyal ng Malacañang.

Ipinaalala ni Aguirre na unang nagtungo sa Malacañang si Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak ng scam, nang sumuko ito noong Agosto 2013. “Malacañang ang pinuntahan nito, highest officials of the land, kasama mga Cabinet secretary.

Kaya matataas ang involved dito,” aniya.

‘DI KOKONTRA

Matapos ipawalang-sala ng Court of Appeals (CA)-12th Division sa kasong illegal detention na isinampa ni Benhur Luy, hinihiling ngayon ni Napoles sa Sandiganbayan na mailipat ang kustodiya niya sa National Bureau of Investigation (NBI) mula sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay Atty. Stephen David, abogado ni Napoles, dapat nang mailipat ng kustodiya ang kanyang kliyente dahil ang BuCor ay para lamang mga nahatulang preso.

Kaugnay nito, wala nang balak ang prosecutors na iapela pa ang pagpawalang-sala kay Napoles sa kasong serious illegal detention.

“I don’t think so,” sabi ni Aguirre nang tanungin ng mga reporter kahapon kaugnay sa posibleng apela.

Nilinaw rin ni Aguirre na hindi pa tiyak kung kukunin ngang state witness si Napoles sa mga kasong may kaugnayan sa PDAF scam.

Paliwanag niya, bago maging state witness “she [Napoles] should not appear to be the most guilty” at ang kanyang testimonya ay dapat na “indispensable.”

KALOKOHAN

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na isang malaking kalokohan ang gawing state witness si Napoles.

“Turning pork barrel scam mastermind Janet Lim Napoles into a state witness is a travesty of justice. It is glorifying a villain as a hero,” aniya.

Nangangamba rin ang mambabatas na baka gamitin lamang si Napoles ng pamahalaan para takutin ang oposisyon.

(Beth Camia, Jeffrey G. Damicog, Mario B. Casayuran, at Leonel M. Abasola)