SEOUL (Reuters) – Bumoto ang mga South Korean kahapon para maghalal ng bagong lider, matapos ang corruption scandal na nagpatalsik kay President Park Geun-hye at yumanig sa political at business elite ng bansa.
Itinuturing na malakas ang laban ng liberal na si Moon Jae-in na nananawagan ng moderate approach sa North Korea.
Siya ang mahigpit na kalaban ni Park sa presidential election noong 2012.
Batay sa huling Gallup Korea poll, hawak ni Moon ang 38 porsiyentong suporta ng mamamayan sa hanay ng 13 kandidato.
Ang pinakamalapit niyang karibal ay si Ahn Cheol-soo na nakakuha ng 20 porsiyentong suporta.
Inaasahang panunumpain ang magwawagi ngayong Miyerkules, matapos ilabas ng Election Commission ang opisyal na resulta.