KIGALI (Reuters) – Dahil sa digmaan at gutom, mahigit 2 milyong bata sa South Sudan ang napilitang umalis sa kanilang mga tirahan, na lumikha ng pinakanakababahalang refugee crisis sa mundo, sinabi ng United Nations kahapon.
Nagsimula ang civil war sa bansa dalawang taon matapos nitong matamo ang kalayaan mula sa katabing Sudan, nang sibakin ni President Salva Kiir ang kanyang deputy noong 2013.
Hinati ng mga sumunod na labanan ang bansa, nagbunsod ng matinding inflation at isinadlak sa taggutom ang ilang lugar, na nagbunga ng pinakamalaking refugee crisis sa Africa simula nang Rwandan genocide noong 1994.
“No refugee crisis today worries me more than South Sudan,” sabi ni Valentin Tapsoba, ang Africa chief ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), sa isang pahayag.
Sa bansa ng 12 milyong katao, halos tatlo sa apat na bata ang hindi pumapasok sa eskuwelahan, sinabi ng UNHCR at ng United Nations Children’s Fund (UNICEF). Mahigit 1 milyong bata ang tumakas sa palabas ng South Sudan at 1 milyon pa ang nagpapalabuy-laboy sa loob ng bansa.