Magsasanib-puwersa ang Department of Education (DepEd) at Department of Trade and Industry (DTI) upang bantayan at hadlangan ang posibleng pagtataas ng presyo ng school supplies, na inaasahang magiging mabili sa mga susunod na buwan kaugnay ng pagbabalik-klase ng mga estudyante.

Ayon kay Education Assistant Secretary Tonisito Umali, tagapagsalita ng DepEd, babantayan nilang mabuti ang mga nagbebenta ng school supplies upang matiyak na hindi magsasamantala ang mga ito o magtataas ng presyo na hindi naman kinakailangan.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Umali ang mga nagtitinda ng school supplies na ilagay sa tamang presyo ang mga gamit pang-eskuwela at huwag maging mapagsamantala sa mga mamimili.

Pinayuhan din niya ang mga magulang na hindi kinakailangang maging magarbo o mamahalin ang bibilhing gamit sa eskuwela ng kanilang mga anak.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mas makabubuti rin, aniya, kung magre-recycle ng mga gamit ang mga estudyante, tulad ng mga hindi nagamit na pahina ng lumang notebook, sapatos, bag, lapis at iba pa, upang makatipid sa gastos. (Mary Ann Santiago)