Boluntaryong sumuko ang pulis na bumaril at nakapatay sa isang jeepney driver na nakasagian nito sa Marcos Highway, Antipolo City noong Lunes ng hapon.

Ayon kay Police Supt. Ruben Andiso, hepe ng Antipolo City police, dakong 10:00 ng gabi kamakalawa nang isuko sa kanila ni Police Chief Insp. Michael Garcia, hepe ng Barbosa Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District (MPD), ang kanilang tauhan na si PO2 Ronald Pentacasi, na itinuturong bumaril at nakapatay kay Petronilo Fernando, 41, jeepney driver, at residente ng Purok Barangay Cupang, Antipolo City.

Ayon kay Andiso, base sa salaysay ni Pentacasi, nagalit ang suspek nang mag-counterflow ang biktima, na sakay sa kanyang pampasaherong jeep (PXH-791), at ginitgit pa umano siya nito na muntik na nitong ikadisgrasya.

Sa paunang ulat, napag-alaman na bandang 5:00 ng hapon noong Lunes ay nagkasalubong ang biktima at ang suspek, na sakay naman sa kanyang motorsiklo, sa Marcos Highway.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Nagkasagian umano ang kani-kanilang sasakyan, dahilan upang sumemplang ang motorsiklo ng pulis.

Kaagad umanong nilapitan ni Fernando si Pentacasi at pinakiusapang magkita na lamang sa kanilang garahe, sa Catalina Street, upang maayos ang problema.

Ngunit pagdating ng biktima sa lugar ay agad na itong pinagbabaril ng suspek.

Nahaharap si Pentacasi sa kasong murder at physical injury sa Antipolo Prosecutor’s Office. (Mary Ann Santiago)