Sa kabila ng pagbabatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinasabing pangingialam ng United Nations (UN) sa kampanya ng bansa laban sa ilegal na droga, mas maraming Pilipino pa rin ang nagtitiwala sa international body, ipinakita sa huling survey ng Pulse Asia.

Sa first quarter survey na isinagawa noong Marso 15 hanggang 20 sa 1,200 respondent sa buong bansa, natuklasang 82 porsiyento ng mga Pinoy ang nagtitiwala sa UN.

Mas mataas ito kaysa 74 porsiyentong naitala noong Disyembre 2016.

Gayundin, karamihan o 81% ng mga Pinoy ang nagtitiwala sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa parehong panahon ng survey, napatunayan ng Pulse Asia na higit pa ring pinagkakatiwalaan ng mga Pinoy ang United States, na matagal nang kaalyado ng bansa. Halos 79% ng mga Pilipino ang nagpahayag na may tiwala sila sa US, habang 20% ang walang tiwala. Ito ay katumbas ng net trust rating na “very good” +59, na mas mataas kaysa +53, na nairehistro sa fourth quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 2016.

Patuloy ding nagtitiwala ang maraming Pilipino sa Japan na may net trust rating na +50, Australia (+39), at Great Britain (+9).

Samantala, ang Russia at China ay nagrehistro ng negative net trust ratings na -14 (42% much trust, 56% little trust), at -23 (38% much trust, 61% little trust), ayon sa pagkakasunod. (Ellalyn De Vera-Ruiz)