Dinagsa ng mga bagong graduate, matatanda, persons with disabilities (PwD), at mga nagtapos na ang kontrata (“endo”), ang job fair ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa iba’t ibang lugar sa bansa nitong Labor Day.
Umabot sa 30,000 ang naitalang aplikante sa siyam na job at business fair. Sa bilang na ito, 2,000 ang hired-on-the-spot at 10,000 ang pumasa sa preliminary interview.
Samantala, hiniling ni Pangulong Rodrigo Deterte sa mga labor group na bigyan muna siya ng konting panahon upang maipatupad ang ipinangakong wawakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Sinabi ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Association of Labor Unions - Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), matapos ang dayalogo sa Malacañang na sinabihan din sila ng Pangulo na bumalik sa Mayo 10 at dalhin ang draft ng kanilang mga panukala at kahilingan para sa mga manggagawang Pilipino. (Mina Navarro)