KABUUANG 196 kabataan ang magpapamalas ng husay, talino at diskarte sa susulong na 2017 National Age-Group Chess Championships sa Mayo 3 sa Robinson’s Galleria sa Cebu City.
Pawang nagpamalas ng katatagan sa ginanap na Luzon, Visayas at Mindanao qualifying legs, kasama ang mga pambato ng host Cebu, naghihintay ang karangalan at slot sa National Team na isasabak sa international age group tourney sa Nobyembre para sa mga finalist.Paglalabanan sa kompetisyon ang U8 age bracket, U10, U12, U14, U16, U18 at U20 para sa lalaki at babae.
Inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), sa pakikipagtulungan ng Province of Cebu, Mr. Marty Pimentel, Robinson’s Galleria, Cebu City Sports Commission at Philippine Sports Commission, ang torneo ang premyadong grassroots sports development program sa bansa.
Magbibigay ng kanilang mensahe sa opening ceremony sina NCFP Chairman at President Prospero Pichay, Jr., Cebu Gov. HilarioDavide III at PSC Commissioner Ramon Fernandez.
Bahagi rin ng programa sina CCSC Chairman Edward Hayco at Cebu Provincial Sports Commission (CPSC) Executive Director Ramil Abing, gayundin sina NCFP Provincial Sports Coordinator Edilberto Velarde, Jr.
Sina ASEAN age-group chess championships medalist Jerish Velarde at dating PBA legend na si Fernandez ang magsasagawa ng ceremonial moves.
Mangunguna naman bilang tournament director si NCFP Executive Director Red Dumuk, FIDE Arbiter, habang si International Arbiters James Infiesto at Wilfredo Neri ang chief arbiters para sa boys and girls, ayon sa pagkakasunod.
Suportado ang torneo ng Department of Education at PSC-Cebu.
Hawak ng Cebu City ang Guinness world record para sa pinakamalaking chess tournament para sa public school sa naitalang 43,157 kalahok kamakailan.