Lima sa sampung Pilipino ang aminadong mahirap sila batay sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong unang quarter ng 2017 na inilabas kahapon.
Isinagawa noong Marso 25-28, natukoy sa survey na 50 porsiyento ng mga Pinoy adult, na kumakatawan sa 11.5 milyong pamilya, ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap.
Ang nasabing bilang, ayon sa SWS, ay mas mataas ng anim na puntos kumpara sa 44% o nasa 10 milyong pamilya na umaming mahirap noong Disyembre 2016.
Ayon sa SWS, ang resulta sa self-rated poverty poll ay pare-pareho lang sa siyam na magkakasunod na quarter, mula sa ikaapat na quarter ng 2014 hanggang sa ikaapat na quarter ng 2016, hanggang sa tumaas ito sa 50% nitong Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Natuklasan din sa nasabing survey na lumobo sa 8.1 milyon, o 35%, ang pamilyang “food-poor” nitong Marso. Sa survey noong Disyembre, nakapagtala ng 7.7 milyon pamilya, o 34%, na nagsabing pang-mahirap ang pagkain nila.
“Self-rated food-poverty had been either steady or declining from the third quarter of 2015 to the third quarter of 2016,” anang SWS. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)