Magpapatupad ng truck ban ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Roxas Boulevard ngayong Huwebes hanggang bukas bilang bahagi ng pagtiyak ng ahensiya sa seguridad at maayos na trapiko kaugnay ng 30th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa CCP Complex, Pasay City.
Isang re-routing scheme ang ikakasa ng MMDA para sa lahat ng truck na may bigat na 4,500 kilo pataas, rehistrado man o hindi rehistrado sa Terminal Appointment Booking System (TABS).
Para sa mga truck sa katimugang bahagi ng Metro Manila, mula sa Port Area hanggang sa South Super Highway (SLEX) ay maaaring dumiretso sa Bonifacio Drive, kaliwa sa P. Burgos, Finance Road, Ayala Boulevard, kanan sa San Marcelino, kaliwa sa Pres. Quirino Avenue at kanan sa South Super Highway.
Ang mga truck sa pahilagang ruta ay maaaring dumiretso sa South Super Highway kanan sa Pres. Quirino Avenue, kaliwa sa Plaza Dilao, kanan sa Pres. Quirino Avenue Extension, kaliwa sa UN Avenue, kanan sa Romualdez Street, kaliwa sa Ayala, Finance Road, P. Burgos at kanan sa Bonifacio Drive hanggang Port Area.
Samantala sinuspinde na rin ng MMDA ang number coding scheme sa lahat ng pangunahing lansangan sa Metro Manila bukas, Biyernes, kasabay ng deklarasyong special (non-working) day bukas, Abril 28.
Binuksan na rin kahapon hanggang sa Abril 30 ang holiday special “ASEAN lanes” para sa mga delegado ng ASEAN Summit, at ipinatutupad din ang “stop and go scheme” sa Sen. W. Diokno, Jalandoni, A. De la Rama, Bukaneg, Arnaiz Street, Makati Avenue at Parkway Drive.
Sinimulan na Rin kahapon ang pagbabawal sa paglalayag sa bahagi ng Manila Bay malapit sa pinagdarausan ng ASEAN Summit, na tinukoy na ‘no sail zone’.
Ayon kay Coast Guard Spokesperson Commander Armand Balilo, iiral ang no sail zone simula kahapon hanggang sa Sabado, Abril 29.
Sakop ng no sail zone ang paligid ng US Embassy hanggang sa Manila Yacht Club, pati na ang bahagi ng breakwater area mula sa CCP-PICC Complex hanggang sa SM Mall of Asia. (Bella Gamotea at Beth Camia)