Binaril at napatay ng isang lalaki ang kanyang kinakasama misis bago siya nagbaril sa sarili matapos nilang mag-away sa loob ng kanilang bahay sa Butuan City, Agusan del Norte, iniulat kahapon.

Selos ang nakikitang dahilan ng pag-aaway ng magka-live-in na sina Lalaine Delos Reyes, 30; at Jerry Kho, 34, na kapwa natagpuang patay sa loob ng kanilang silid sa Barangay Villa Kananga, Butuan City.

Ayon sa imbestigasyon ng Butuan City Police Office (BCPO), binaril ni Kho si Delos Reyes gamit ang isang .38 caliber Smith & Wesson bago siya nagbaril sa sarili.

Ayon sa 17-anyos na babaeng kapatid ni Delos Reyes, Lunes ng hapon nang nakarinig siya ng putok ng baril mula sa silid ng mag-asawa, at nang usisain niya si Kho tungkol sa narinig ay sinabi nitong may pinanonood sa laptop computer at doon nagmula ang putok ng baril.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Bumalik sa loob ng silid si Kho at muling narinig ng dalagita ang putok ng baril mula sa silid ng mag-asawa ngunit binalewala na lang niya iyon.

Kinaumagahan, nagtaka ang dalagita kung bakit pasado 11:00 ng umaga na ay hindi pa lumalabas sa silid ang dalawa kaya kinatok niya ang kuwarto ng mga ito hanggang sa buksan niya ang silid at makita ang kapwa patay nang mag-asawa na duguang nakahandusay sa kama.

Nabatid sa imbestigasyon na madalas na selos ang pinag-aawayan nina Kho at Delos Reyes.

Napag-alamang may tatlong batang anak sina Kho at Delos Reyes. (FER TABOY)