Western Visayas, humirit sa Palarong Pambansa.

ANTIQUE -- Isang first timer sa Palarong Pambansa ang nagbigay sa host region Western Visayas ng dangal at tagumpay nang pagwagihan ni James Lozanes ang secondary boys javelin throw kahapon sa pagbubukas ng athletics competition ng 2017 Palarong Pambansa sa Binirayan Sports Complex sa lungsod ng San Jose.

Ibinato ng 17-anyos na Grade 10 student ng Estancia High School sa Iloilo ang fiberglass spear sa bagong meet record na 59.46 meters upang makopo ang ikalawang gold medal sa centerpiece event kasunod ng pagwawagi ng isa ring bagitong runner ng Region 10 (Northern Mindanao Region) na siya namang nagwagi ng unang athletics gold sa secondary girls 3,000 meters.

Binura nito ang dating record na itinala ni Ryan Jay Pacheco ng Central Luzon para sa fiber glass spear na may bigat na 700 gramo na 51.97 meters na naitala noong 2013.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nag-aambisyong maging isang alagad ng batas at pang-anim sa pitong magkakapatid na kinabibilangan ng sinusundan niyang kuya na si Jason na isang sundalo, kung mabibigyan ng pagkakataon, nais ni Lozanes na mapabilang din sa hanay ng national athletes.

Ayon sa mga opisyales ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) malaki ang potensiyal ni Lozanes kung babato ito na gamit ang spiked shoes at maganda din ang "built" ng pangangatawan nito.

"Mas komportable po ako dito kasi pag dun sa spike parang nahihirapan ako mag buwelo," ani Lozanes sa salitang Ilonggo.

Nakayapak at tadtad ng plaster ang mga paa, inangkin ng 17-anyos na Grade 11 student ng Alae National High School sa Manolo Fortich Bukidnon ang unang athletic gold matapos maorasan ng 10:32.67 kulang ng siyam na segundo ang kalamangan sa pumangalawang si Jie Ann Calis, dating record holder na dating kumakatawan sa Northern Mindanao at ngayo'y nasa delegasyon na ng National Capital Region na naorasan ng 10:41:15.

"Masayang-masaya po kasi di naman namin ini-expect na mananalo siya ng gold medal kasi second runner lang namin sya dito sa event na ito," pahayag ng coach ni Labasano na si Mavycel Alecer tungkol sa kanyang atleta na binansagang "Gamay" na ang ibig sabihin ay maliit dahil sa taas nitong 4 na talampakan at 11 pulgada.

Silver medalist lamang ang ikalima sa walong anak ng magsasakang si Ricky Labasano at maybahay nitong si Gina sa nakaraang Regional meet nila kung saan nagwagi ang kakampi ni Jay Ann na si Camila Tubiano na nagtapos lamang na pang-apat dito sa Antique.Tumapos na pangatlo sa kanila l si Maria Junaliza Abutag ng Ilocos Region o Region 1 na nagtala ng tiyempong 10:44:61.

Sa elementary girls rhythmic gymnastics napigil naman ang pamamayagpag ng National Capital Region nang makaisa lamang ito mula sa apat na nakatayang gold medals.

Tanging sa freehand lamang nagwagi ng gold medal ang NCR makaraang walisin ang gold medals sa elementary boys at secondary boys artistic gymnastics sa pamamagitan ni Breanna Labadan na umiskor ng 12.35 puntos para gapiin sina Marneil Audrey Capayas ng Region V at Kianna Marie Alagaban ng bagong rehiyong Negros Island na nagtala ng 10.50 at 10.40 puntos.

Tumapos lamang sa pangalawa sa ball, ropes at clubs kung saan nagwagi naman ang Region V at ang NIRAA, ayon sa pagkakasunod.

Nagwagi ng gold sa ball si Capayas sa naitala nitong 7.80 puntos, habang inangkin naman ni Alagaban ang gold medal sa rope at ang kakampi niyang si Jeannie Marie Eusebio naman sa Clubs makaraang makapagtala ng 9.55 at 9.35 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa secondary girls rhythmic gymnastics, nagdomina naman ang Region 7 o Central Visayas matapos mapanalunan ang tatlo sa apt nag olds na nakataya sa pamamagitan ng gymnast na si Daniela Reggie Dela Pisa na nagwagi sa rope, ball at hoop matapos umiskor ng 9.46, 9.80 at 9.72 puntos.

Tinalo ni Dela Pisa sa nasabing tatlong events ang NCR gymnasts na sina Divina Sembrano, ang gymnast na nakasingit at humablot ng gold sa clubs at Krystal Mae Maguidato na pumangalawa sa ball at hoop.Inangkin ni Sembrano ang silver sa rope at hoop habang napunta sa kakamping si Jhazzette Louise Limenzon sa clubs sa naitala nitong 9.42 puntos kung saan tumapos na pangatlo ang 13-anyos na Grade 7 student ng University of Visayas na si Dela Pisa na nakapagtala ng 8.82 puntos.

May isa ring bronze medal si Sembrano sa ball matapos makapagtala ng 9.12 puntos. (Marivic Awitan)