INDIANAPOLIS (AP) — Umusad ng isang hakbang tungo sa minimithing kampeonato ang Cleveland Cavaliers.
Naisalpak ni LeBron James ang three-pointer may 68 segundo ang nalalabi sa laro para sandigan ang Cavaliers sa playoff series sweep kontra Indiana Pacers, 106-102, sa Game 4 ng Eastern Conference first round playoff nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Hataw si James sa naiskor na 33 puntos at 10 rebounds at tanghaling unang player batay sa bagong format ng playoff ang nakapagwagi ng 21 sunod na panalo sa first-round game. Naitala niya rin ang league record na 10 sunod na career playoff sweep.
Nanguna sa Indiana si Lance Stephenson na may 22 puntos, habang kumana si Paul George ng 15 puntos.
ROCKETS 113, THUNDER 109
Sa Oklahoma City, muling ibinasura ng Houston Rockets ang triple-double performance ni Russell Westbrook sa dominanteng panalo kontra sa Thunder.
Nagsalansan si Nene ng 28 puntos sa panalo ng Rockets sa Game 4 at itarak ng 3-1 bentahe sa kanilang first round playoff.
Kumana ng tig-18 puntos sina Eric Gordon at Lou Williams.
Balik sa Houston ang aksiyon sa Martes (Miyerkules sa Manila) para Game 5.
Kumubra si Westbrook ng 35 puntos, 14 rebound at 14 assist. Napantayan niya ang playoff triple-doubles ni Wilt Chamberlain.
CELTICS 104, BULLS 95
Sa Chicago, Dinoble ni Isaiah Thomas, kumana ng 33 puntos, ang sampal sa Bulls sa harap nang nagbubunying kababayan para maitabla ang East Conference first-round playoff series sa 2-2.
Nabitiwan ng Celtics ang 20 puntos na bentahe sa kaagahan ng laro, ngunit ratsada si Thomas sa third period para maibalik ang katatagan ng Boston.
Naisalpak ni Gerald Green ang apat na three-pointer para sa kabuuang 18 puntos, habang tumipa si Al Horford ng 15 puntos at 12 rebound.
Nakatakda ang Game 5 sa Miyerkules (Martes sa Manila).
Humirit si Jimmy Butler ng 33 puntos para sa Bulls.
JAZZ 105, CLIPPERS 98
Sa Salt Lake City, ginapi ng Jazz, sa pangunguna ng beteranong si Joe Johnson sa natipang 28 puntos, ang Los Angeles Clippers para maitabla rin ang kanilang serye sa 2-2.
Umiskor si Johnson, nagpanalo sa Jazz sa buzzer-beating jumper sa Game 1, nang 11 sunod na puntos, para mapatataga ang bentahe.
Balik ang aksiyon sa Los Angeles sa Game 5 sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Naglaro ang Clippers na wala ang power forward na Blake Griffin na nagtamo ng injury sa Game 3.