Bigong makabalik sa bansa nitong Sabado si retired SPO3 Arthur Lascañas, na kamakailan ay binawi ang una niyang testimonya na nagsasabing walang Davao Death Squad (DDS) at idinawit sa mga pagpatay sa Davao City si Pangulong Duterte at anak nito.

Batay sa records ng Bureau of Immigration (BI), umalis si Lascañas sa bansa kasama ang kanyang pamilya noong Abril 8 para magtungo sa Singapore, ngunit wala pang record sa alinmang paliparan na nakabalik na ito sa Pilipinas.

Ayon sa BI, nakalagay sa plane ticket ni Lascañas na babalik ito sa bansa sa Abril 22.

“There’s no record of the arrival of Mr. Lascañas on Saturday (Abril 22),” saad sa text message ni BI spokesperson Ma. Antonette Mangrobang makaraang mag-check sa database ng kawanihan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nauna rito, sinabi ni Lascañas sa isang panayam sa telebisyon na nakatatanggap siya ng mga death threat at nangangamba siya para sa sarili niyang buhay, gayundin sa kaligtasan ng kanyang pamilya matapos siyang tumestigo laban kay Pangulong Duterte bilang utak ng mga pagpatay ng DSS noong ang huli pa ang alkalde ng Davao City.

Sa kanyang huling testimonya sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Lascañas na nagbayad umano si Duterte ng hanggang P100,000 para sa bawat ipapapatay sa DDS, at kalaunan ay sinabing nag-uutos din umano ng mga pagpatay ang panganay ni Duterte na si incumbent Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

Matatandaang sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na pinahintulutang makalabas ng bansa si Lascañas dahil wala pang kasong pormal na naihahain laban dito. (Rey G. Panaligan)