Duguang bumulagta ang dalawang lalaki na kapwa “police character” na sangkot sa iba’t ibang krimen habang nakatakas ang isa nilang kasama nang makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mario Carmelo, 38, ng No. 587 Street Barrio Sta. Rita North, Phase 12, Barangay 188 ng nasabing lungsod; at alyas “Jay-R Tangkas”, parehong nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Nakatakas ang nakababatang kapatid ni Mario na si Maximo.

Sa report kay Police Sr. Supt. Chito Bersaluna, head ng Caloocan Police, bandang 9:30 ng gabi isinagawa ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 4, sa pamumuno ni Chief Inspector Timothy Aniway, ang operasyon sa Barrio Sta. Rita North, Bgy. 188, Caloocan City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Lumapit kay Aniway si Alfredo Añonuevo, tricycle driver, at isinumbong ang umano’y pangongotong ng tatlong suspek sa kanilang terminal sa Manga Street, Bgy. 188.

Pagdating ng awtoridad sa lugar, nagtakbuhan ang tatlong suspek habang pinauulanan ng bala ang mga pulis.

Sa naramdamang panganib sa buhay, nagdesisyon ang grupo ni Aniway na pagbabarilin ang mga suspek na naging sanhi ng pagkamatay nina Mario at Jay-R.

Narekober sa pinangyarihan ang isang cal. 38 revolver, dalawang sumpak at apat na plastic sachet ng umano’y shabu.

Sa record ng North Caloocan Police, napag-alaman na sangkot ang mga suspek sa serye ng holdapan sa Bgy. Tala.

(Orly L. Barcala)