CABANATUAN CITY – Kasabay ng paglobo sa 35 ng mga kumpirmadong nasawi sa pagbulusok ng minibus sa 100-talampakang bangin sa Carranglan, Nueva Ecija, umapela kahapon ang mga health worker sa Nueva Vizcaya sa mga grupong relihiyoso at iba pang organisasyon para sa stress debriefing ng mga nakaligtas sa aksidente.
“We are calling the assistance and help of benevolent individuals and groups to share their resources in any form such as food and other needs of the patients,” sabi ni Letty Puguon, acting administrative officer ng Nueva Vizcaya Provincial Hospital (NVPH) sa bayan ng Bambang.
“They also need psychological, psycho-social and spiritual services from our religious sector and from those experts in stress debriefing situations,” panawagan ni Puguon. “They are still coping with the tragedy and trauma that is why we need the assistance of other individuals to help them cope and recover from their trauma and tragedy.”
Aniya, ilan sa mga pasyente ay dumanas ng concussions, hematoma at mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan dahil sa pagbulusok ng sinasakyang Leomarick minibus sa malalim na bangin nitong Abril 18.
Labindalawa pa sa mga survivor ang ginagamot sa NVPH, habang 29 na iba pa ang ginagamot naman sa Veterans Regional Hospital (VRH) sa bayan ng Bayombong.
Batay sa huling ulat ni Senior Supt. Antonio C. Yarra, Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) director, patuloy pa rin nilang sinisikap na matukoy ang pagkakakilanlan sa mga nasawi, na 15 sa mga ito ang hirap nang makilala dahil sa matinding pinsalang natamo. (Light A. Nolasco at PNA)