Sugatan ang isang binata makaraang saksakin ng isang lalaki habang naglalakad patungo sa barangay hall upang ireklamo ang mga palaboy na nambugbog sa kanya dahil sa pagtulog sa bangketa na “teritoryo” ng mga ito sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kasalukuyang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Antonio Calavio, 38, ng 224 Dandan Street, Tondo, na nagtamo ng isang tama ng saksak sa likod.

Samantala, pinaghahanap naman ng awtoridad ang suspek na kinilalang si “Christian”.

Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, hepe ng Station 1 ng Manila Police District (MPD), dakong 8:00 ng umaga nangyari ang pananaksak sa Dandan St., Tondo.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Una rito, binugbog umano ng ilang palaboy si Calavio nang makatulog ito, dahil sa kalasingan, sa bangketa sa C.P. Garcia Street na umano’y teritoryo ng mga una.

Dahil dito, nagdesisyon umano si Calavio na magtungo sa barangay hall ng Barangay 116 upang magreklamo ngunit bigla siyang hinarang ni Christian at sinaksak bago tuluyang tumakas.

Kahit sugatan, nakahingi ng tulong si Calavio sa kanyang mga kaanak na nagsugod sa kanya sa nasabing ospital.

(Mary Ann Santiago)