Duguang humandusay sa semento ang isang lalaki na umano’y drug pusher at may nakabimbin na kasong rape, makaraang manlaban sa mga pulis sa buy-bust operation sa Valenzuela City, nitong Martes ng gabi.

Dead on arrival sa Valenzuela City Medical Center si Wilson Ventura, 36, ng No. 369 Elsewhere Street, Barangay Malanday ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Ayon kay Police Sr. Supt. Ronaldo O. Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, bandang 6:37 ng gabi, ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy-bust operation sa National Food Authority (NFA) Compound, Bgy. Malanday.

Tumayong poseur buyer si PO2 John Bagunas at nang iaabot na niya kay Ventura ang P200 marked money, nakatunog umano ang huli na pulis ang kanyang kaharap kaya kumaripas ito palayo kasabay ng pagbunot ng baril at pinaputukan ang awtoridad.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Hindi na nagpatumpik-tumpik ang mga tauhan ng SDEU na magpakawala ng bala na naging sanhi ng pagkamatay ni Ventura.

Narekober mula sa suspek ang limang pakete ng shabu at isang cal. 38 na kargado ng apat na bala.

Kabilang sa drug watch list si Ventura at nahaharap sa kasong rape, 10 taon na ang nakalilipas, pagkukumpirma ni Mendoza. (Orly L. Barcala)