SA pagbabangayan ng mga opisyal ng gobyerno hinggil sa masalimuot na importasyon ng bigas, ang mga magsasaka ang kinakawawa. Maliwanag na ito ay pagbalewala sa kanilang mga sakripisyo upang magkaroon ng sapat na produksiyon; upang hindi na tayo umangkat ng bigas sa Vietnam at Thailand - mga bansa na nagkataong sa atin lamang natuto ng mga sistema sa pagkakaroon ng sapat na ani.

Nagtuturuan ang mga tauhan nina Cabinet Secretary Jun Evasco at Jason Aquino ng National Food Authority (NFA) tungkol sa sistema ng pag-angkat ng bigas; kung ito ay government-to-government o idadaan sa pribadong sektor. Lumutang ang mga pananaw na maiiwasan umano ang mga alingasngas kung makikialam ang pamahalaan; sinasabing magpipista ang rice cartel dahil sa partisipasyon ng mga pribadong negosyante.

Taliwas ang aking paninindigan sa nabanggit na mga sistema ng importasyon ng bigas. Kahit na anong estratehiya ang isulong, natitiyak ko na hindi maiiwasan ang mga katiwalian. Lalong titindi ang tukso ng pagsusuhulan. Maraming paraan ng pagpatay ng pusa, wika nga.

Natitiyak ko na ito rin ang laging nagiging batayan ni Pangulong Duterte sa paglipol ng masasalimuot na transaksiyon sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno. Nagpupuyos siya sa galit kapag nakakaamoy ng mga mapagmalabis sa tungkulin, tulad ng kanyang ipinamalas kamakailan nang pagsisibakin ang mga opisyal na malapit pa naman sa kanyang puso.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pinakahuli ngang sinibak ng Pangulo si Usec Maya Valdez na sinasabing nakisawsaw sa pinagdududahang rice importation.

Ang panggagalaiti ng Pangulo sa naturang pag-angkat ng bigas ay patunay ng kanyang pagpapahalaga at pagmamalasakit sa ating mga magbubukid. Bilang mga gulugod ng bansa o backbone of the nation, sila ang puwersa sa pagtatamo ng sapat na pagkain. Dahil dito, mataginting ang kanyang utos sa NFA: Bilhin ang lahat ng ani ng mga magsasaka sa wastong presyo.

Naniniwala ako na nakarating sa Pangulo ang reklamo ng ilang sektor ng magbubukid na ang naturang ahensiya ay hindi namimili ng palay. Nagiging dahilan ito upang mamayagpag ang mga rice traders na nag-aalok ng mataas na halaga sa mga magsasaka. May sabwatan kaya ang NFA at ang mga negosyante sa gayong sistema sa kapinsalaan ng ating mga rice farmers?

Ang pagpapabaya ng ilang tauhan ng NFA, ang nakapagdududang pag-aangkat ng bigas na may kaakibat na smuggling, at iba pa ay maituturing na kalbaryo na pinapasan ng mga magsasaka. (Celo Lagmay)