“Saludo ako sa imo padi, sana magdakol pa an arog mo sa serbisyo!” – ito ay salitang Bicolano na ang ibig sabihin ay, “Saludo ako sa iyo pare, sana ay dumami pa ang katulad mo sa serbisyo!”
Ang tinutukoy ko rito ay isang ‘URAGONG’ pulis sa Catanduanes, si PO1 Dan S. Bagay, na sa pagitan nang paghikbi at pangingilid ng luha ay ibinulalas sa media ang kanyang pagkadismaya sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang lalawigan.
Sino nga ba naman ang hindi magsisintir -- magpapakatino ka sa pagtatrabaho, gagalingan mo, makatatanggap ka pa ng mga papuri mula sa iyong mga kababayan dahil sa kaliwa’t kanang accomplishment, ngunit isang araw pagkagising mo, tanggal ka na pala sa puwesto at biglang itinapon sa ibang lugar, walang “ha ni ho” kang narinig mula sa mga iginagalang mong opisyal.
Ito ang isa sa mga nakalulungkot na senaryo sa pagseserbisyo bilang isang alagad ng batas – kapag may mga tiwaling pulis na humahakot ng pera sa masamang paraan na namamayagpag at nakapagdidikta sa organisasyon – ang matitinong pulis na gaya ni PO1 Bagay ang tumatanggap ng latay sa kanilang katawan.
“Sa halip na pagkalooban ng award, pagkilala o komendasyon man lang, ako pa ngayon ang parang lumalabas na tiwali at pinag-uusig ng mismong organisasyong sinumpaan kong paglilingkuran hanggang aking kamatayan,” ang madamdaming pagtatapat ni PO1 Bagay sa mga taga-media sa Bicol matapos siyang sibakin sa kanyang puwesto sa Pandan Municipal Police Station. Wala naman daw sanang problemang ilipat siya sa ibang lugar basta ipaalam lamang sa kanya kung ano ang nagawa niyang kasalanan.
Ang naglalaro sa aking isipan sa ngayon ay kung may kaugnayan sa bigla niyang pagkakasibak sa puwesto ang pagiging responsable niya sa pagkabuwag sa isang sindikato ng droga sa kanilang lalawigan nito lang nakaraang taon, at ang walang tigil niyang pag-aresto sa mga taong sumisira sa kalikasan, lalo na sa mga yamang dagat, dahil sa paggamit ng lason sa kanilang pangingisda.
Sa kanyang mga imbestigasyon, lumilitaw na may mga kabaro siyang tumatanggap ng limang kilong isda sa kada mangingisdang gumagamit ng “Cynide”. Bukod pa raw ito sa mga lumber na galing sa ilegal na pamumutol ng puno ng narra na milyones ang halaga, na nakumpiska niya mula sa isang kilalang negosyante sa kanilang lalawigan at aabot sa 40 ang naihain niyang nagpositibong search warrant laban sa illegal gambling, droga at mga armas.
Nang malaman ng Sangguniang Bayan ng Pandan na ang kanilang munting bayani ay nagbabalak nang tuluyang umalis sa serbisyo dahil sa pagkadismaya sa PNP, gumawa sila ng isang board resolution, may petsang Marso 27, 2017 na umaapela sa pamunuan ng PNP Regional Police Office 5 (PRO-5) na ibalik si PO1 Bagay sa kanilang munisipyo…kung pakikinggan ng PNP ang Konseho, isang matamis na tagumpay ito para sa iyo padi PO1 Bagay.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)