NOONG isang linggo, sinibak ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si DILG Sec. Ismael “Mike” Sueno, isa sa orihinal na supporter at humikayat sa kanyang tumakbo sa pagkapangulo noong May 2019 elections, dahil sa bintang na kurapsiyon. Nais daw magpaliwanag ni Sueno subalit hindi siya pinakinggan ng Pangulo na basta nagsabing “You are fired.” Ang iba raw ay pinagpapaliwanag at iniimbestigahan pa, pero ang kawawang Sueno ay hindi pinakinggan.

Sinibak din niya si Maia Chiara Halmen Valdez, undersecretary sa ilalim ng Office of the Cabinet Secretary Leoncio Evasco. Una rito, tinanggal din niya ang matagal nang kaibigan na si Peter Laviña bilang hepe ng National Irrigation Administration (NIA) dahil din sa isyu ng katiwalian. Si Laviña ang kanyang political spokesman noong kampanya.

Sinibak ni Mano Digong ang dalawang Bureau of Immigration commissioners dahil naman sa isyu ng pagtanggap umano ng P50 milyong suhol mula kay online game at casino operator Jack Lam. Ang dalawa ay nasa ilalim ng Department of Justice (DoJ) na ang puno ay si Sec. Vitaliano Aguirre II.

Ang matalas na palakol na pangsibak ni PDu30 na ayaw na ayaw sa kabulukan at katiwalian sa pamahalaan, ay nakasibak na rin ng mahigit 90 pinuno sa iba’t ibang ahensiya, tulad ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Marahil ay may nasibak na siya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BoC). Gusto ng mga tao ang kampanyang ito ng Pangulo upang maputol ang sungay ng kurapsiyon sa maraming ahensiya ng gobyerno.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Mukhang ang popularidad ni PRRD ay unti-unti nang naglalaho matapos ang halos 10 buwan sa trono ng kapangyarihan.

Pinakamataas ang kanyang ratings sa lahat ng naging pangulo ng bansa. Bilib sa kanya ang mga Pinoy na bumoto (16.6 milyon) sa kanya sa paniniwalang sa loob ng 3-6 na buwan, masusugpo ang illegal drugs, itutumba ang drug lords, dealers, pushers at users. Ngunit, ilan nang drug lord and naitumba? Karamihan daw sa biktima ng Oplan Tokhang ay mahihirap na tulak at adik lang.

Bumilib din sa kanya ang mga tao nang sabihin niyang ihahagis sa dagat ang mga bangkay ng suwail at ganid na gov’t officials at solons (sa PDAF at DAP), sasakay siya ng jetski para itanim ang bandila ng Pilipinas sa Panatag Shoal at ipaalam sa China na... atin ito. Pero, parang iba ang nangyari. Biro lang daw ang jetski. Saka, hindi raw natin kaya ang China kung kaya hindi natin sila mababawal sa pagtatayo ng mga balangkas sa West Phil. Sea.

Tulad ng pag-aasawa, ang honeymoon sa unang mga buwan ng lalaki at babae ay “katumbas ng langit.” Walang nakikitang pagkakamali ang bawat isa habang matamis pa ang suyuan at sabik sa bawat isa. Parang ganito ang nangyayari ngayon sa “political honeymoon” ng Pangulo at ng mamamayan. Bilib pa rin ang mga tao sa kanya, pero dapat ay iwasan na niya ang EJKs, HRVs sa giyera sa droga, supilin ang dila sa pagmumura, pakikipag-away sa Simbahang Katoliko (inaamin namang may mga bakla, pedophile at tiwaling pari at obispo) at isulong ang moralidad at integridad ng lahing Pilipino.

(Bert de Guzman)