Magkakasunod na inaresto ang 14 na drug suspect sa magkakahiwalay na anti-drug operation ng iba’t ibang istasyon ng Quezon City Police District (QCPD), iniulat kahapon.

Ayon kay QCPD director Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar, bandang 11:00 ng tanghali nitong Biyernes, inaresto ng mga tauhan ng Novaliches Police Station 4 (PS-4), sa pamumuno ni Police Supt. April Mark Young, sina John John Cruz, 41, ng Caloocan City; at Wilfredo Aremado, 37, ng Novaliches, sa kasagsagan ng anti-illegal drugs operation sa kahabaan ng Kalayan Street, Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.Nakuha mula sa mga suspek ang isang pakete ng shabu.

Samantala, bandang 9:00 ng umaga nitong Sabado, inaresto ng mga operatiba ng La Loma Police Station (PS-1), sa pamumuno ni Police Supt. Tomas G. Nuñez, sina Allan Nabayra, 37, ng Bgy. Balong Bato; Reynaldo Martin, 32, ng Bgy.

Balingasa; Eduardo Espiritu, 28, ng Bgy. Apolonio Samson, at Mandan Ponkeyas, 18, ng Pandi, Bulacan. Nakuha sa kanila ang apat na pakete ng shabu at drug paraphernalia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bandang 4:00 ng hapon naman nitong Sabado, sa Bgy. Escopa 3, Project 4 Police Station (PS-8), sa pamumuno ni Police Supt. Ariel Capocao, inaresto sina Elsa Bumagat, 47; Elsie Bumagat, 18; Elmer Bumagat, 26; Quinnie Ariane Budi, 24; pawang residente ng Bgy. Escopa 3; at Arvin Laureano, 18, miyembro ng “Sigue-Sigue Sputnik,” ng Batasan Hills, Quezon City, na nahuli sa shabu session at pagbebenta ng ilegal na droga.

Nakumpiska ni Eleazar mula sa mga suspek ang 11 pakete ng shabu at drug paraphernalia.

Dinampot naman ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Talipapa Police Station (PS-3), sa pamumuno ni Police Supt. Danilo Mendoza, sina Jenneth Hipolito, 39 at Efren Bunayon, 29, kapwa ng Bgy. Tandang Sora.Nakuha mula sa mga suspek ang limang pakete ng shabu at marked money.

Sa kabilang dako, inaresto ng mga tauhan ng Galas Police Station (PS-11), sa pamumuno ni Police Supt. Christian Dela Cruz, si Alex Francisco, 37, ng Bgy. Tatalon.Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong pakete ng pinatuyong marijuana.

Nahaharap ang 14 na suspek sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(Francis T. Wakefield)