Sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na plano niyang magtungo sa Pag-Asa Island sa Palawan upang siya mismo ang magtirik ng watawat ng Pilipinas sa isla para bigyang-diin na nasa hurisdiksiyon ito ng ating bansa.

“Sa coming Independence Day natin, I might…I may go to Pag-asa Island to raise the flag there,” sinabi ni Pangulong Duterte sa isang ambush interview sa Camp Artemio Ricarte sa Puerto Princesa City, Palawan kahapon.

“We have to maintain our jurisdiction over South China Sea,” dagdag niya. “We have to fortify, I must build bunkers there or houses and make provisions for habitation.”

Napaulat na ipinag-utos din ni Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-okupa sa lahat ng teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang 37.2-ektaryang Pag-Asa Island, ang ikalawang pinakamalaki sa Spratly Islands, ay nasa 480 kilometro sa kanluran ng Puerto Princesa.

Bagamat malinaw na bahagi ng munisipalidad ng Kalayaan sa Palawan, inaangkin din ang Pag-Asa ng China, Taiwan at Vietnam.

Sa nasabing panayam, sinabi rin ng Presidente na nais niyang palitan ang pangalan ng Benham Rise, at gawin itong Philippine Ridge upang igiit ang soberanya ng bansa sa lugar.

Bagamat isinasantabi ni Duterte ang pakikipag-usap sa China kaugnay ng mga pareho nating inaangking teritoryo sa South China Sea, ilang beses nang tiniyak ng Pangulo na may tamang panahon upang talakayin sa China ang tungkol sa naging desisyon ng arbitral court sa nasabing karagatan na pumabor sa Pilipinas.

Nakatakdang makipag-usap ang China sa matataas na opisyal ng mga bansang bumubuo ng ASEAN sa susunod na buwan kaugnay ng agawan sa teritoryo sa South China Sea. (ARGYLL CYRUS GEDUCOS at BETH CAMIA)