OAKLAND, California (AP) – Ayaw paawat ng Golden State Warriors nang hilahin ang winning streak sa 12 sa dominanteng 121-107 panalo kontra sa Minnesota Timberwolves nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Ratsada si Klay Thompson sa nakubrang 41 puntos, tampok ang pitong three-pointer, habang kumana si Steph Curry sa naiskor na 19 puntos para sa ika-64 panalo ng Warriors sa 78 laro.
Nanguna sa Timberwolves, laglag na sa playoff spot tangan ang 31-46 karta, si Andrew Wiggins na may 24 puntos.
THUNDER 110, BUCKS 79
Sa Oklahoma City, napantayan ni Russell Westbrook ang single-season record ni cage legend Oscar Robertson sa naitalang ika-41 triple-double sa panalo ng Thunder kontra Milwaukee Bucks,
Nasungkit ni Westbrook ang ikapitong sunod na triple-double sa assist kay Taj Gibson may 9:17 sa laro sa third quarter. Nagsigawan ng "MVP! MVP!" ang crowd nang pansamantang itigil ang laro para pormal na ianunsiyo ang marka.
Naitala ni Robertson ang marka noong 1961-62 season at mabubura ito ni Westbrook kung sakali sa laro kontra Memphis sa Miyerkules. Umusad din si Westbrook sa ikaapat na puwesto kasosyo si Wilt Chamberlain sa all-time career list na 78 triple double.
Sa iba pang laro, ginapi ng Indiana Pacers ang Toronto Raptors, 108-90; pinabagsak ng Washington Wizards ang Charlotte Hornets, 118-111; dinurog ng Cleveland Cavaliers ang Orlando Magic, 122-102; naungusan ng Denver Nuggets ang New Orleans Pelicans, 134-131; pinataob ng New York Knicks ang Chicago Bulls, 100-91; dinurog ng Brooklyn Nets ang Philadelphia Sixers, 141-118.