Ni Edwin Rollon
NASA Pilipinas na ang pinakasikat at prestihiyosong open swim competition sa paglulunsad ng Global Swim Series (GSS) Philippines.
Binubuo ng magkakaibigan at kapwa swimming fanatics, sa pangunguna nina Al Santos at Kenneth Romero, nakatakdang ilarga ng GSS ang unang open swim competition sa susunod na buwan sa Subic Bay Freeport.
“We’re eyeing 300 participants for our maiden competition. Right now, our friend from swimming at triathlon communities are pitching in to support the event. Timely, considering that Open swim is now an Olympic sports,” pahayag ni Santos sa media presentation nitong weekend sa Ace Water Spa and Hotel sa Pasig City.
Iginiit ni Romero na bukod sa mabibigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy swimmers na madevelop sa sports, magkakaroon din ng pagkakataon ang mga local government para palakasin ang kanilang Tourism program.
“Part of our mission is to help generate tourist in our coastal area. Kung saan ang venue ng ating kompetisyon, ma-expose din natin yung probinsiya,” pahayag ni Romero.
Para sa detalye at iba pang impormasyon hingil sa GSS, hiniling ni Romero na buksan ang kanilang website www.globalswimseries.com
“GSS is worldwide. Actually sa US at sa Europe, maraming competition na nagagawa. Sa Pilipinas and in SEA region in particular, first time na magkakaroon ang GSS program,” ayon kay Santos.
Aniya, bagay sa Pilipino ang open swim bunsod nang katotohanan na napapaligiran ang Pilipinas ng karagatan.
“Medyo nahihirapan tayong makipagsabayan sa regular swimming competition. Baka sa open swim makakuha tayo ng ginto sa Olympics,” pahayag ni swimming coach Angelo Lozada.
May entry fee na US$50 dollar (P2,500) para sa single entry.
Ayon kay Santos, bukod sa naghihintay na tropeo at cash prize, ang mga top swimmers, gayundin ang finisher ay pagkakalooban ng puntos na magagamit nla sa ranking system na ipinapatupad ng GSS.
“Yung ranking points ang batayan para makalaro ang swimmer sa World Championship,” aniya.